Mahigit 300 OFW mula sa Kuwait, nakauwi na rin sa bansa

by Radyo La Verdad | February 12, 2018 (Monday) | 1996

Dalawang batch ng mga Overseas Filipino Workers mula sa Kuwait ang dumating sa bansa kaninang umaga. Ang mahigit sa 300 OFWs na nagbalik bansa ngayong araw ay kabilang sa mga napagkalooban ng amnestiya ng Kuwaiti Government.

Sinalubong ang mga OFW ng mga kawani ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA. Bawat isa sa kanila ay binigyan ng pamasahe pauwi sa probinsya, limang libong pisong financial assistance at twenty thousand pesos na livelihood fund.

Tutulungan din ng OWWA ang mga ito na makapagtrabaho sa ibang bansa na mas ligtas ang kanilang kalagayan.

Sa February 22 na ang deadline ng pamahalaan ng Kuwait sa pagkuha ng amnesty at sa Marso ay sisimulan na nila ang crackdown sa mga undocumented foreign workers. Umaasa ang OWWA na sasamantalahin ng iba pang mga OFW sa Kuwait ang alok na amnestiya.

Hinihikayat naman ng OWWA na dumulog sa kanilang tanggapan ang mga OFW na nakararanas ng problema sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Maaaring makipag-ugnayan sa OWWA sa pamamagitan ng kanilang Hotline Number (02) 551-1560 o sa pamamagitan ng text messaging sa numerong 0917-TXTOWWA.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,