Mahigit 20 makukulay at naggagandahang float, ipinarada sa ika-21 taon selebrasyon ng Panagbenga festival sa Baguio City

by Radyo La Verdad | February 29, 2016 (Monday) | 1988

GRACE_PANAGBENGA-2016
Aabot sa isang milyong turista ang natuwa at masayang nanood sa grand street parade na isinagawa noong Sabado sa Baguio City.

At pagsapit ng Linggo, ang makukulay at naggagandahang mga float naman ang pumarada bilang bahagi ng ika-21 selebrasyon ng Panagbenga festival ngayong taon.

Mahigit dalawampung makukulay at nag-gagandahang float ang nagbigay kulay sa kalsada ng Session Road, Magsaysay Avenue, Harrison Road hanggang sa Melvin Jones Football Grounds.

Unang pumarada ang float ng lungsod ng Baguio, sumunod ang cute na cute na pinakamaliit na jeepney sa mundo si Jeepito, bumida rin dito ang float ng pelikulang Maleficent, fairy tale, candy crush, Baymax 2.0 at ang isa sa pinagkaguluhan ng mga manonood ay ang float ng isang pick-up sakay ang look a like ni “carrot man”.

Tuwang-tuwa naman ang mga bata at ang mga turista sa panonood sa parada ng mga naggagandahang float.

Ang Panagbenga festival ngayong taon ay may temang “bless the children with flowers” bilang pagbibigay halaga ng lungsod sa mga bata at pamilya.

Ang mga mananalo sa float parade competition ay nakatakdang i-anunsyo bukas.

(Grace Doctolero / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,