Mahigit 1,000 pasahero, stranded sa mga pantalan ng Batangas at Mindoro dahil sa bagyong Salome

by Radyo La Verdad | November 9, 2017 (Thursday) | 4712

Simula alas nuebe ng umaga kanina, ipinatigil na ng Philippine Coast Guard sa Oriental Mindoro ang pagbiyahe ng malalaki at maliliit na sasakyang pandagat na patungong Calapan to Batangas at vice versa maging ang biyahe patungong Romblon dahil sa sama ng panahon.

Nasa signal number one ang Calabarzon, Mimaropa at Bicol region. Bunsod nito, umakyat na sa mahigit siyam na raang pasahero ang stranded sa Batangas Port. Habang mahigit tatlong daan naman ang mga pasahero na nanatili sa pantalan ng Oriental Mindoro.

Nasa dalawang daan naman ang mga rolling cargo na stranded din sa pantalan ng Batangas at Oriental Mindoro. Sa taya ng Coast Guard, bukas pa ng gabi posibleng maibalik sa normal ang pagbiyahe ng mga barko.

Nakahanda namang umalalay ang Philippine Ports Authority sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain sa mga pasaherong magpapalipas ng gabi sa mga Pantalan.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,