Maguindanao Gov. Mangudadatu, at iba pa, sinampahan ng reklamong serious illegal detention

by dennis | May 20, 2015 (Wednesday) | 2469
File photo: UNTVweb.com
File photo: UNTVweb.com

Naghain ng reklamong serious illegal detention si Jerramy Joson sa Pasay Prosecutor’s office laban kina Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu, mga abogadong sina Atty. Nena Santos, Atty. Prima Quinsayas, at Atty. Gemma Oquendo.

Kasama din sa mga inireklamo ang ibang miyembro ng pamilya Mangudadatu na sina Maguindanao Congressman Zajid Mangudadatu, Ebrahim Jong, Freddie, King Jhazzer at Khadafeh.

Base sa apat na pahinang complaint affidavit ni Joson, inakusahan niya ang gobernador at ang 3 abogado nito na nagsabwatan upang iditine siya ng ilang araw matapos na isiwalat niya ang laman ng notebook noong Agostso 2014 na umano’y listahan ng mga opisyal ng DOJ na tumanggap ng suhol mula sa mga Ampatuan upang paburan ang mga ito sa Maguindanao Massacre case.

Nadawit naman ang pangalan ni Justice Sec. Leila De Lima kung saan bukambibig umano nila Atty. Nena Santos na kakampi nila si De Lima at tumatanggap umano siya ng limang milyong pisong monthly allowance mula kay Mangudadatu.
Kahapon ay sinampahan naman ng reklamong perjury at libel ni Mangudadatu si Joson dahil sa pagkakadawit sa kaniya sa usapin ng notebook.

Aniya, kahit labag sa kaniyang (Joson) kalooban na iditine siya ay pumayag siya dahil sa pahayag ng gobernador na may banta sa kaniyang buhay matapos isiwalat ang nilalaman ng notebook at pagkatapos ay doon na umano nagsimula ang briefing sa kaniya nila Mangudadatu at ng mga abogado kaugnay sa notebook.(Jerolf Acaba/UNTV Radio)

Tags: , , ,