Binusisi ng joint congressional oversight committee ang estado ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kahapon; partikular na ang kakayahan pa nito na magbayad ng claims.
Ito ay pagkatapos nang naiulat na pagkalugi nito ng 8 bilyong piso batay 2017 PhilHealth financial report.
Muling nilinaw ng PhilHealth na ang nasabing report ay mula sa unaudited financial statement na kasalukuyan pang sinusuri matapos ang rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) na itama ang nakitang double accounting entry na 4.1bilyong piso sa isa sa mga regional office ng PhilHealth.
Ayon sa executive vice president ng PhilHealth na si Ruben Basa, umaabot sa 4 bilyong piso lamang ang nalugi sa kanila dahil sa ilang kadahilan, kabilang na ang malaking gastos sa informal sector.
Gayundin ang paglobo ng gastos sa subsidiya na ibinibigay sa mga senior citizens.
Nababahala naman si Senate Committee on Health and Demography Chairman Joseph Victor Ejercito sa posibleng epekto nito sa napipintong pagpapasa ng universal health care program bill; kung saan layon nito na mas palawigin pa ang serbisyo ng PhilHealth.
Iniimbestigahan rin ng senador ang posibleng ginagawang pagsasamantala sa ilang serbisyo ng PhilHealth.
Sa kabila nito, tiniyak ng PhilHealth officials sa oversight committee na walang dapat ipagalala ang publiko dahil kayang sustenahan pa nito ang lahat ng obligasyon ng ahensya.
Umaabot umano sa 151.8 bilyong piso ang kabuuang assets ng PhilHealth at may investment portfolio na umaabot sa 123.7 billion.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: COA, Mafia, Philhealth