Mabini, Batangas, isinailalim sa state of calamity dahil sa pinsala ng magnitude 5.6 quake

by Radyo La Verdad | April 10, 2017 (Monday) | 4360


Mahigit sa animnaraang bahay sa bayan ng Mabini ang napinsala ng lindol na yumanig sa lalawigan ng Batangas noong Sabado ng hapon.

Siyamnapu sa mga ito ay totally damaged.

Ang mga pinsalang ito ay tinatayang nagkakahalaga na ng mahigit 28 milyong piso.

Nagkaroon din ng mga landslide sa iba’t-ibang brgy at ilang seawall ang gumuho.

Kaya naman kahapon ay nagdeklara na ng state of calamity si Mabini Mayor Noel Luistro.

Ayon kay Mayor Luistro, nasa state of shock parin ang karamihan sa mga residente, dahil ngayon lang ulit nakaranas ng malakas na lindol sa bayan matapos ang matagal na panahon.

Nasa dalawang libong residente sa Mabini ang lumikas na patungo sa katabing bayan ng Bauan dahil sa takot na magkaroon pa ng mas malakas na pagyanig.

Nagtayo naman ng mga tent and Department of Social Welfare and Development upang may matuluyan pansamantala ang mga evacuee.

Samantala, sa inisyal na ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, walang naitalang nasawi sa lindol ngunit mayroon limang nasugatan.

Patuloy namang inaalam ang kabuuang pinsala ng lindol sa buong probinsya.

Patuloy paring nakararanas ng mga aftershock ang probinsya, ngunit nakaantabay naman ang mga rescue group upang agad rumesponde sa nangangailangan.

Nagdeklara naman ang LGU ng class suspension sa lahat ng antas sa Mabini, Lipa City at sa Tanauan.

(Vincent Octavio)

Tags: , , ,