PARAÑAQUE, Philippines – Inulan ng batikos at reklamo ng libo-libong mga pasahero ang iba’t-ibang mga airline company dahil sa umano’y hindi maayos na pag-aksyon sa kanilang mga flight schedule. Ito’y matapos na makansela ang higit isang daang international at domestic flight dahil sa sumadsad na Xiamen Aircraft sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Biyernes ng madaling araw.
Halos hindi mahulugang karayom ang senaryo sa NAIA Terminal noong Sabado sa dami ng mga pasaherong naantala ang byahe. Karamihan sa kanila ay kanya-kanyang pila sa mga ticketing office ng mga airline company upang makapagpa-rebook
Reklamo ng ilan, pinagpapasa-pasahan umano sila ng mga staff na kanilang nakakausap, habang ang iba naman ay hindi anila sumasagot sa mga tawag upang malaman sana kung ano ang mga dapat nilang gawin.
May ilan din ang nagreklamo dahil sa anila’y kawalan ng pagkain at maayos na accomodation na dapat ay ibinibigay ng mga airline company sa mga naaberyang pasahero. Nag-aalala rin ang ilang mga kababayan natin na overseas Filipino workers (OFW) na posibleng mawalan ng trabaho dahil sa naantala nilang biyahe.
Sa ilalim ng Air Passenger Bill of Rights, may karapatan ang mga pasahero na mabigyan ng libreng pagkain, makatawag, makapagtext, makapagpadala ng email gayun din ang first aid kung tatlong oras na delayed ang flight.
Subalit kung ang delay ay umabot ng 24 oras, dapat nang bigyan ng kaparehong mga benepisyo at hotel accomodation ang mga pasahero.
Nakiusap naman si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eddie Monreal sa mga airline company na harapin at aksyunan ang reklamo ng mga pasahero.
Ayon sa MIAA, umabot sa higit 36 oras na isinara ang runway. Muli itong nabuksan at naibalik sa normal na operasyon noong Sabado ng alas-11:30 ng umaga.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: NAIA Terminal, OFW, rebooking