LTO, uumpisahan na ang pamimigay ng plaka sa susunod na buwan

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 7832

Enero 2015 nabili ni Segundo ang sasakyan niya pero ang plaka niya malabo pang makukuha, kasama kasi ang plaka ni segundo sa kinuwestyon ng Commission on Audit (COA).

Nasa 400,000 bagong motor vehicle plates na ang nai-distribute na sa iba’t-ibang district offices ng Land Transportation Office (LTO) sa buong bansa.

Naghihintay na lamang ito ng go signal mula sa main office para maumpisahan na ang pamimigay ng plaka sa buwan ng Hulyo.

Ang first batch na mabibigyan pa lang ang mga nagrehistro mula Hulyo hanggang Oktubre 2016.

Nagsimula ang backlog nang kwestyunin ng COA ang 2013 na kontrata ng LTO na nagkakahalaga ng 3.8 bilyong piso. Limang taon sana ang saklaw nito pero pinatigil ang distribusyon noong 2015 at 2016.

Kaya ang ginawa ng LTO, kumuha ng bagong kontrata na nagkakahalaga ng 1 bilyong piso para kahit papaano mapunan ang backlog. Kasama sa halagang 1 bilyong piso ang plate-making facility.

Sa ngayon ay nasa 11 milyon ang kabuuang backlog ng LTO sa mga plaka, dito na gagawin sa loob ng plate making facility ang lahat ng mga plaka na ibibigay sa mga bumili ng sasakyan pero paglilinaw ng LTO na kailangan munang unahin ang mga plaka na nasasakop ng bagong kontrata mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2017.

Hulyo 2016 hanggang ika-31 ng Disyembre 2017 lang ang sakop ng bagong kontrata na pinasok ng gobyerno.

Ang saklaw nito ay 775,000 na pares ng plaka para sa mga sasakyan at 1.7 milyong piraso ng plaka para sa motorsiklo, kasama na rito ang equipment na paggawa ng plaka.

Pinasinungalingan naman ng LTO ang mga paratang na inuuna nito ang mga backlog sa panahon ng administrasyon Duterte bago ang sa nakaraang administrasyon.

Sa ngayon, hindi pa mailabas ng LTO ang plaka ng mga motorsiklo dahil hinihintay naman ang desisyon ng Kamara sa pinal na sukat ng plaka.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,