LTO, aminadong kailangang gawing electronic ang mga serbisyo upang mapabilis ang proseso

by Erika Endraca | July 24, 2019 (Wednesday) | 4623

MANILA, Philippines – Aminado ang Land Transportation Office (LTO) na marami pang kailangang ayusin sa kanilang sistema upang mas mapabilis ang kanilang serbisyo.

Ito ay matapos mapabilang sa 5 ahensya na binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes (July 22), na kinakailangan ng matinding pagsasaayos sa serbisyo matapos ang mga reklamong natatanggap dahil sa mabagal na proseso.

“The LTO, SSS, BIR, LRA, and PAG-IBIG Are the top five agencies that need to drastically improve their service. I’ve been asking that from you since three years ago. ‘pag hindi pa ninyo nagawa ‘yan ngayon, papatayin ko talaga kayo.” Ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, tanggap naman nila ang naging pahayag ng pangulo.Aniya, tinutugunan naman umano nila ang mga reklamong kanilang natatanggap sa ahensya maging sa 8888 hotline ng gobyerno.

“Kaya magandang paalala sa’min ni presidente ‘yun. Ang nagsasabi na, mga tao eh. Eh bakit naman kami hindi susunod? Kung ano pang kailangang gawin para lalong matugunan natin ‘yung hinaing ng tao, gagawin natin.” ani LTO Assistant Secretary Edgar Galvante.

Bukod sa pagbubukas ng mga driver’s license renewal offices sa mga shopping mall, ang nakikitang solusyon ng ahensya ay ang “full computerization” ng mga proseso sa kanilang mga transaksyon.

“Yung dating magpoprovide sa’min ng ‘yung it provider namin, natapos na yung kontrata, may pumasok nang iba. So mina-migrate lahat ng systema nung dati dito sa bago. Hopefully, with this new computer system, computer IT provider, mapapabilis pa namin, macover-an na lahat.” Ani LTO Assistant Secretary Edgar Galvante.

Sa ngayon, mayroon namang online appointment system ang ahensya sa kanilang web portal.  Dagdag naman ni Galvante, maglalagay din ng 24 na kiosk  sa mga pinakamatataong lugar sa bansa na ina-asahang mas makatutulong sa pagpapabilis ng kanilang mga transaksyon.

Samantala, sang-ayon din si Cabinet Secretary Karlo Nograles na ma-aaring gamitin ng mga ahensya ang ibang teknolohiya upang mapabilis ang kanilang serbisyo at transaksyon.

Ayon kay Nograles, ma-aari nilang mapatawag sa participatory governance cluster ng gabinete ang lead officials ng 5 naturang ahensyang nabanggit ni Pangulong Duterte sa SONA nito upang mabigyang-linaw ang mga problema at mapag-usapan ang mga solusyon nito upang mas mabilis ang kani-kanilang mga serbisyo.

“Ang pwede naming gamitin na mekanismo ‘yung PGC para ipatawag namin sila sa PGC cluster para mag-explain kung bakit na-special mention sila, number 1, at number 2, kung ano ang gagawin nilang mga hakbang gamit ‘yung direktiba mismo ng pangulo.” ani Cabinet Secretary Karlo Nograles.

(Harlene Delgado | Untv News)

Tags: , ,