Attempted murder ang isa sa mga kaso na balak isampa ng dating ministrong si Lowell Menorca II laban sa mga dumukot at nagtangkang pumatay sa kanya gamit ang isang granada.
Ito ang sinabi ng abogado ni Menorca na si Atty. Trixie Angeles sa panayam ng programang Get It Straight with Daniel Razon.
Isa sa aaralin ng kampo ni Menorca ay kung hanggang kanino sa mga opisyal ng Iglesia ni Cristo aabot ang pananagutan sa tangka umanong pagpatay sa dating ministro.
Una nang isinalaysay ni Menorca nitong linggo, kung paano umano siya dinukot sa Bulan, Sorsogon, ibyenahe at dinala sa isang sementeryo.
Pinaupo umano siya ng mga dumukot sa kanya sa loob ng isang lumang kotse habang nakaposas ang mga kamay,
Pagkatapos ay isinara ang mga pinto at bintana ng sasakyan at saka hinagisan ng granada.
Swerte na lamang aniya at hindi sumabog ang granada ngunit ang granadang ito mismo ang ginamit naman ng mga pulis sa Dasmarinas, Cavite upang kasuhan siya ng illegal possession of explosive.
Bukod dito, mismong mga pulis na kumuha at nagdala sa kanya sa presinto ng dasmarinas ang nagsabing inutusan sila upang siya ay patayin.
Ayon kay Menorca, napakiusapan lamang niya ang mga ito kaya hindi itinuloy ang plano.
Sa ngayon ay prayoridad ng abogado ni Menorca ang kanyang amparo petition sa Korte Suprema na didinggin ng Court of Appeals sa darating na martes.
Ito ay nananatili umano ang banta sa buhay ng dating ministro.
Haharap din sa nasabing pagdinig si Menorca upang tumestigo tungkol sa kanyang kidnapping at illegal detention. (Roderic Mendoza / UNTV News)