Lokasyon ng bumagsak na Cessna 340 plane sa Albay, tukoy na

by Radyo La Verdad | February 22, 2023 (Wednesday) | 6156

Kinumpirma na ng Civil Aviation Authority of the Philippines na ang natagpuang aircraft malapit sa bunganga ng Mayon volcano ay ang nawawalang Cessna 340. Pero bago pa mapuntahan ang lokasyon nito, ibat-ibang panganib ang posibleng kaharapin ng mga rescuer sa nag aalburotong bulkan.

Nasa alert level 2 pa rin ngayon an Mt. Mayon. Ayon sa resident volcanologist na si Dr. Paul Alanis, mapanganib ang pagpasok sa 6 kilometer permanent danger zone ng bulkan.

Kung isasagawa ang search and rescue operation sa bumaksak na Cessna plane ay may kakaharaping panganib ang mga rescuer lalo na kung gagamit ng chopper.

“May possibility na magkaroon ng mga phreatic eruptions sa loob and ang danger nito unang una sa mga search and rescue operators dahil pwedeng magkaroon ng phyroclastic density currents. Next is kung may aircraft na ginagamit pwedeng mahigop yung mga debris  na na ito ng mga makina  and then magdulot ng isang aksident,” ani Dr. Paul Alanis, Resident Volcanologist, Mt. Mayon.

Matarik din aniya ang pinagbagsakan ng eroplano at nasa 2 kilometro pa ang taas nito. Kung maglalakad naman paakyat ng bulakan ay may panganib din sa mga daraanan gaya ng lahar o flash flood dahil sa mga nakaraang pag-ulan. Idagdag pa aniya dito ang mga naglalaglag na bato.

Kailangan lamang aniya ng magdala ng mga personal protective equipment ang mga rescuer kasama na ang mask dahil naman sa gas na posibleng ilabas din ng bulkan.

Una rito ay kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines na ang natagpuang aircraft malapit sa bunganga ng Mayon volcano ay ang nawawalang Cessna 340, subalit hindi pa matukoy ang kondisyon o kalagayan ng mga crew at pasahero nito dahil hindi pa naaabot ng search and rescue team ang eksaktong lokasyon ng crash site dahil sa masamang lagay ng panahon.

Ayon sa PAGASA, inaasahang mababawasan ang mga pag-ulan sa mga susunod na araw sa Bicol region, kaya ayon sa weather specialist ng PAGASA na si Aldcsar Aurelio, hanggang Biyernes ay maaaring tumiyempo ang mga rescuer kung pupunta sa pinagbagsakan ng eroplano sa Mt. Mayon.

Pero pagdating ng Sabado at Linggo ay inaasahang lalakas uli ang amihan na magdadala ng mga pagulan.

Rey Pelayo | UNTV News

Tags: ,