METRO MANILA – Lilikha ng isang local virology institute at disease prevention and control center sa bansa ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ayon sa kaniyang pahayag sa 15th Philippine National Health Research System (PNHRS) Week celebration sa Clark Marriott Hotel sa Clark Freeport Zone, Pampanga nitong Huwebes (August 11).
Ito ay bahagi ng pagtupad sa kaniyang pangako na “enable environment” sa Filipino Research Community na nagsusulong ng pagtutulungan sa paglikha ng mga solusyong ikabubuti ng mga mamamayan.
Nakipag-usap na si PBBM sa House of Representatives at sa Senado para likhain ang Virology Institute of the Philippines (VIP) na inaasahang magsasama-sama ng magkakaibang pananaliksik, kaalaman, at datos, gayundin ang Philippine Center for Disease Prevention and Control na ihahanda ang bansa para sa “unfortunate warnings” tungkol sa mga pandemya.
Naniniwala si Pangulong Marcos Jr. na mahalaga ang kooperasyon ng pamahalaan sa mga mananaliksik.
Idiniin niya na ang kooperasyon o ang pagsama-sama ng iba’t ibang ahensya upang buwagin ang mga hadlang sa siyentipikong pananaliksik kapalit ng kaalaman, ng tulong sa mga pasilidad at ng tulong sa paggamit ng lahat ng mga laboratoryo ay siyang naging susi sa mga tagumpay na natamasa at sa mga tagumpay na matatamasa pa.
(Andrei Canales| La Verdad Correspondent)
Tags: PBBM, Virology Institute