Pahayag ng Pangulo bilang drug ‘hot bed’ ang Naga, isang insulto sa mga Nagueño – VP Leni

by Radyo La Verdad | August 20, 2018 (Monday) | 4351

NAGA, Camarines Sur – Malaking insulto umano hindi lamang sa opisyal ng gobyerno at maging sa mga Nagueño ang mga binitawang salita ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagiging hotbed umano ng shabu ng lungsod ng Naga sa Bicol Region.

Ito ang naging pahayag ni Vice President Maria Leonor “Leni” Gerno Robredo sa pagharap nito sa media noong Sabado.

Aniya, hindi biro ang ginagawang effort ng mga lokal na opisyal ng Naga para malinis ang lugar sa iligal na droga.

Aminado ang pangalawang pangulo na hindi perpekto ang lungsod at marami rin aniya itong problema katulad ng ilang local government units (LGUs) sa bansa hinggil sa droga, ngunit tinututulan umano nila naging pahayag ng Pangulo.

Ginawa ng pangalawang pangulo ang pahayag ng pangunahan nito ang programa kaugnay ng paggunita sa ika-6 na anibersaryo ng pagkasawi ng asawa nito na si dating DILG Sec. Jesse Robredo noong  ika-18 ng Agosto 2012.

Hinamon naman ng Naga City local government si Pangulong Duterte na bisitahin ang lungsod upang makita umano nito ng personal kung gaano kaligtas, kapayapa at walang bahid ng droga ang kanilang lugar.

Ayon kay Naga City Mayor John G. Bongat, naglabas na umano ang tanggapan ng Sangguniang Panlungsod ng resolution on indignation o pagpapahayag ng kanilang galit laban sa pahayag ng Pangulo na dating ‘hotbed’ ng shabu ang siyudad.

Dagdag pa ni Bongat, patuloy pa rin umano ang iba’t-ibang mga programa sa syudad hinggil sa pagsugpo sa iligal na droga.

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

Photo: VP Leni Robredo FB Page

Tags: , ,