Lloyd Laboratories, kayang mag-produce ng 1 million molnupiravir kada taon – FDA

by Radyo La Verdad | February 10, 2022 (Thursday) | 8984

Pang-anim ang Lloyd Laboratories sa mga manufacturer na may Emergency Use Authorization sa Pilipinas para sa molnupiravir production.

“Itong Lloyd Llaboratories kaya po nilang mag-produce ng 1 million capsules per year. Sasapat po ito para sa 25,000-50,000 patients, so ito pong ipo-produce ng Lloyd Laboratories dedicated po ito para sa Pilipinas lang po,” sinabi ni Dr. Oscar Gutierrez, OIC, FDA.

Ayon kay Food and Drug Administration Officer in Charge Oscar Gutierrez, dahil EUA pa lang ang mayroon nito at wala pang certificate of product registration, hindi pa ito maaaring ibenta sa mercado.

Nguni’t asahan anyang mas mababa ang presyo nito kapag may certificate of product registration na at maaaari  nang mabili sa mga botika.

“Isang generic product usually po ang generic product po ay 30-50% mas mababa kaysa sa mga branded, nagpa-survey po ako kung magkano sa merkado po noong January 100-150 per capsule po ang molnupiravir. Pwede po itong asahan na ang Lloyd ay ima-market niyia within 50- 75 pesos na lang per capsule dahil sa 200 mg po na capsule, 40 capsules po ang kakailanganin ng pasyente para mabuo ang dosage regimen ng limang araw,” dagdag ni Dr. Oscar Gutierrez.

Sa ngayon, tanging ang Department of Health at National Task Force pa lang ang maaaring bumili ng molnupiravir.

Ang DOH naman ang magdadala nito sa health facilities at healthcare providers na may aprubadong compassionate special permit sa paggamit sa kanilang mga pasyente.

Batay sa clincal trial data results, ang oral antiviral pill ay mabisa upang maiwasan ang pagka-ospital at pagkasawi dulot ng Covid-19 infection.

Kumpara sa ibang Covid-19 investigational drugs, ang mulnopiravir ay dinisenyo para sa early treatment ng Covid-19 patients.

Samantala, upang maagapan naman na maglipana ang mga counterfeit pekeng gamot online, maglalabas ang FDA ng bagong guidelines sa pagbebenta ng gamot online.

Sa umiiral na guidelines sa Pilipinas ang mga licensed drug stores o pharmacies lang na may permit mula sa FDA na makapagbenta online ang mga lehitimong maaaring magbenta nito sa mga online platforms, binubuo ng FDA ngayon ang e-pharmacy guidelines.

Isasapubliko ng FDA ang e-pharmacy guidelines kapag naisapinal na ito.

Aiko Miguel | UNTV News

Tags: , ,