Listahan ng mga matitinong LGU official, dumaan din sa validation – Malacañang

by Radyo La Verdad | August 11, 2016 (Thursday) | 1256

ANDANAR
Mahigit sa isandaang at limampung local government officials, pulis, sundalo, at huwes ang kabilang sa unang Narco list na isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na linggo.

At base na rin sa pangulo, may pangalawa pang ilalabas na listahan kung saan kabilang naman ang mga barangay captain, prosecutor at marami pang pulis.

Subalit, kung nais ng Malakanyang na babalalaan ang publiko sa mga tiwaling opisyal, nais din naman nitong bigyan ng kredito ang mas nakakaraming opisyal ng pamahalaan na walang bahid ang reputasyon sa operasyon ng iligal na droga.

Ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Martin Andanar, magpapalabas din ang malakanyang sa mga susunod na araw ng mga listahan ng mga malilinis na opisyal ng pamahalaan upang bigyang-pansin na mas marami pa rin ang maganda ang reputasyon kaysa sa mga tiwali.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Secretary Ernesto Abella, dumaan din sa masusing validation ang mga ito bago maisapubliko.

Wala pang eksaktong petsa kung kailan isasapubliko ang pangalawang Narco list ganun din ang listahan ng mga opisyal ng pamahalaan na napatunayan nilang walang bahid o kaugnayan sa operasyon ng illegal na droga.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,