Lisensya ng jeepney driver na inireklamo ng sexual harassment kinansela ng LTO

by Radyo La Verdad | May 27, 2016 (Friday) | 2444

LTO-FACADE
Matapos matanggap ang rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ay agad kinansela ng Land Transportation Office ang lisensya ni Emmanuel Hanopol Escalona, ang jeepney driver na inireklamo ng sexual harassment.

Ayon kay LTO Chief Roberto Cabrera, may kapangyarihan ang LTO na magsuspendi ng lisensya hanggang syamnapung araw.

Subalit matapos mapanood ang video na nag trending sa social networking site ay walang duda na marapat kanselahin na ang lisensya ng naturang driver.

Ayon kay Cabrera hindi dapat pahintulutan na makapagmaneho ang ganoong uri ng mga tao.

Bukod sa kasong sexual harassment, sari saring paglabag rin ang nakita ng lto.

Labag sa Joint Administrative Order o JAO na ang isang public utility driver ay magmaneho ng nakasando lamang.

Aminado ang LTO na kakaunti lamang ang kanilang mga tauhan kung kaya’t malaking tulong para sa kanila ang pag po-post ng mga tao sa kanilang reklamo sa social media.

Ayon sa LTO mas maganda pa rin kung mayroong video ang kanilang mga reklamo.

Nagpadala na rin ng show cause order ang LTFRB sa may ari ng sasakyan kasama ang driver upang humarap sa pagdinig na gagawin sa opisina ng LTFRB sa May 30.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,