Lindol na mas malakas pa sa The Big One, posibleng mangyari sa North Cotabato – Phivolcs

by Erika Endraca | November 1, 2019 (Friday) | 5275

MANILA, Philippines – Isinasagawa sa Metro Manila at maging sa ibang lugar sa bansa ang kabi-kabilang earthquake drill. Isa sa pinaghahandaan ay ang tinatawag na “The Big One” kung saan kapag gumalaw ang nasa 100 kilometrong west valley fault na dumadaan sa Bulacan, ilang bahagi ng Metro Manila hanggang sa Laguna ay maaaring lumikha ng 7.2 magnitude na lindol.

“Tandaan, hindi lang sa greater Metro Manila maaaring magkaroon ng The Big One. Posible ring mangyari ito sa ibang bahagi ng Pilipinas dahil sa mga active faults at trenches na makapagdudulot ng malakas na lindol” ani PHIVOLCS \ DOST OIC Undersecretary Renato Solidum.

Naitala ang magnitude 6.6 na lindol sa Tulunan, North Cotabato nitong October 29 at sinundan din ng malalakas pang mga aftershock. Kahapon  (October 31) ay niyanig nman ng magnitude 6.5 earth quaker ang lugar.

“Tinatawag po namin siyang series of events kasi tuloy-tuloy yung paggalaw niya doon dahil sa marami siyang sources na pwedeng panggalingan” ani PHIVOLCS Science Research Specialist Mylene Enriquez.

Samantala, nasa 5-aktibong fault  ang maaaring panggalingan ng malakas na lindol sa lugar. Ito ay ang M’lang fault, makilala-malungon fault, ang North at South Columbio fault at ang Cotabato-Sindangan fault.

“Kasi interrelated yung mga faults doon ibig sabihin magkakalapit sila so kung may gumalaw na isa posibleng maapektuhan yung isa pang katabi niyang system or fault” ani PHIVOLCS Science Research Specialist Mylene Enriquez.

Ayon sa PHIVOLCS, posible iyong panggalingan ng sinlakas o mas malakas pang lindol kumpara sa tinatayang ilalabas ng west valley fault. Noong 1924 ay hindi bababa sa apat na lindol ang naitala sa Cotabato na may lakas na mula magnitude 5 hanggang 7.5.Pero ayon sa PHIVOLCS nagkakaiba ang epekto ng lindol gaya sa Metro Manila na mas marami ang gusali at mga residente lalo na sa araw.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,