Limang kumpanya, nagsimula nang kumuha ng mga bidding documents upang maging third telco

by Radyo La Verdad | October 10, 2018 (Wednesday) | 3896

Ikinatuwa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagpapakita ng interes ng limang kumpanya na bumili ng bidding documents para maging ikatlong telco player ng bansa.

Ayon sa DICT, senyales ito na seryoso ang mga kumpanya at nagustuhan ng mga ito ang terms of reference na inihanda nila.

Kabilang sa mga bumili ng bidding documents ay ang Udenna Corporation ng businessman na si Dennis Uy, NOW Corporation ng businessman na si Mel Velarde, Telenor Group at ang Venture sa pagitan ng LCS Group ni Governor Chavit Singson at Tier One ng bansang Norway.

Mayroon pang isang grupo na kumuha ng bidding documents subalit tumanggi na itong magpabanggit.

Kailangang ma-isumite ng mga naturang kumpanya ang bidding documents simula sa ika-5 hanggang ika-7 ng Nobyembre ngayong taon.

Ayon sa LCS Group at Tier One, nakahanda silang magbigay ng world class na serbisyo na makikipag-kompetensya sa PLDT at Globe Telecom.

Sinabi ni LCS Group Chairman Governor Chavit Singson, target nilang unahin na mabigyan ng serbisyo ang mga PILIPinong nakatira sa mga liblib na lugar. Gagawin rin nilang mapababa ang presyo ng telecommunication service na iaalok nila.

Pipiliin ang ikatlong telco sa bansa sa pamamagitan ng highest committed level of service method. Ibig sabihin, kung sino ang may pinakamagandang maipapangakong serbisyo ang siyang hihiranging third telco player.

Kabilang sa kondisyon ay ang lawak ng coverage, internet speed at laki ng investment na tatagal hanggang sa limang taon.

Sa Nobyembre ay papangalanan na ng DICT kung sino ang magiging third telco player ng Pilipinas.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,