Libreng sakay ng MRT-3 pinalawig pa hanggang May 30

by Radyo La Verdad | April 28, 2022 (Thursday) | 4608

METRO MANILA – Matatapos na sana ang free ride sa MRT ngayong darating na April 30.

Pero nagpasya ang management na palawigin pa ito ng isang buwan.

Kaya para sa mga pasaherong sumasakay ng tren, hanggang May 30 pa nila mararanasan ang libreng sakay.

Layon ng programa na lalo pang matulungan ang publiko na maibsan ang kanilang gastusin sa araw-araw na pamasahe lalo na ang mga manggagawa na maliit lamang ang sinusweldo sa kanilang trabaho.

Isa ito sa mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto sa ating mga ng tumataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.

Ayon kay MRT-3 general manager Michael Capati, may nakalaang P7.5-B  ang pamahalaan para tugunan ang pondohan ang programa at makapagbigay ng subsidiya sa mga mananakay.

Mula March 28-April 26, umabot na sa 7.2 million na mga pasahero ang nagbenepisyo sa libreng sakay ng MRT-3.

Ayon sa mga pasahero ng MRT-3 malaking benepisyo para sa kanila ang pagpapalawig ng libreng sakay  dahil ang matitipid sa pamasahe ay magagamit pa nila sa panggastos sa iba pang pangangailangan tulad ng pagkain o pambili ng gamot.

Sa ngayon mayroon nang tatlong 4-car train set na bumibiyahe sa linya ng MRT-3 na kayang magsakay ng higit 1,500 pasahero sa kada biyahe.

Bukod pa rito ang 18 regular train set na sumailalim sa overhauling.

Upang makapag-avail ng libreng sakay, kinakailangan lamang na kumuha ng single journey ticket ang isang pasahero, habang ang mga may beep card naman ay pwedeng direktang i-tap ang kanilang card sa gate pero hindi mababawasan ang laman ng load nito.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: ,