Libreng online courses, iniaalok ng TESDA sa mga paaralan

by Radyo La Verdad | August 30, 2022 (Tuesday) | 6700

METRO MANILA – Hinihikayat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga paaralan, mag-aaral, at magulang na gamitin ang mga inaalok nitong libreng online courses upang maiwasan ang COVID-19 ngayong balik face-to-face classes na ang karamihan.

Ayon kay TESDA Director General Danilo Cruz, ang mga pampubliko at pribadong paaralan, kolehiyo o unibersidad ay maaaring kumuha ng online course na idinisenyo upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa mga guro at estudyante.

Maaaring ma-access ng publiko ang mga kursong ito anoman ang lugar at oras sa site na e-tesda.gov.ph, gamit ang internet-capable na gadgets tulad ng smartphone, computer o laptop.

Mayroong 150 na kurso ang iniaalok ng TESDA Online Program (TOP) sa iba’t ibang sektor tulad ng construction, automotive, land transport, electrical, electronics, at marami pang iba.

Kabilang sa pinakasikat na courses sa TOP ang kursong “Practicing COVID-19 Preventive Measures in the Workplace” na aabot sa mahigit 142,000 ang nakapagtapos sa kurso habang 383,826 naman ang kumuha nito noong 2021.

Makatatanggap ng certificate of completion ang mga nag-enroll sa TOP kapag natapos ang kurso at maaari ring sumailalim sa competency assessment upang makatanggap ng National Certificate (NC) para sa ganap na kwalipikasyon.

Bukod sa website, maaari ring ma-access ang TOP sa pamamagitan ng sarili nitong mobile application na pwedeng i-download sa Google Play at App Store.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)

Tags: ,