Libreng medical mission ng MCGI at KFI, patuloy na lumilibot sa iba’t-ibang lugar ng bansa

by Radyo La Verdad | October 4, 2018 (Thursday) | 3285

Nasa sampung libo ang mga residente sa Brgy. Buli, Muntinlupa City.

Ayon sa kapitan ng barangay, karamihan sa mga residente ay mga bata at mga senior citizen na may iniindang iba’t-ibang karamdaman kaya naman humiling sila ng medical mission sa Kamanggagawa Foundation Inc. para ito ay matugunan.

Isa sa mga pumila upang magpakonsulta ay si Jana Mae, 14 na taong gulang kasama ang kaniyang Lola Juliana.

Ayon kay Lola Juliana, siyam na taong gulang pa lang si Jana Mae ng mapansing may bukol ito sa kaniyang leeg. Dahil salat sila sa buhay, minsan lang nakakapagpa-check up si Jana Mae at ni minsan ay wala pa itong nainom na gamot para sa kaniyang thyroid problem.

Kaya naman kaagad silang nagtungo sa medical mission upang masuri ng doktor ang totoong kondisyon ni Jana Mae.

Batay sa diagnosis ng doktor, kailangan ma-operahan si Jana Mae at matanggal ang bukol sa leeg dahil posibleng mayroon itong hyperthyroidism. Nabigyan siya ng referral ng doktor para libreng pagpapa-opera at pagpapagamot kay Jana Mae.

Si Tatay Abraham, akay-akay ang kaniyang anak na sampung taon na  may schizophrenia, isang uri ng mental ilness. Problema rin niya ang pambili ng gamot para sa kaniyang anak.

Tanging ang natatanggap na pension sa SSS ni Tatay Abraham ang sumusuporta sa kanilang mag-ama simula ng mamatay ang asawa nito taong 2016.

Kaya naman nabawasan ang pasan ni Tatay Abraham nang makakuha ng libreng gamot para sa maintenance ni Abigail.

Walang mapagsidlan ng galak ang mga opisyales ng barangay at ng konsehal ng Muntinlupa City sa paglilingkod sa kanila ng libreng medical, dental, optical at legal services ng Members Church of God International at Kamanggawa Foundation Inc.

Mahigit isang libo ang napaglingkuran sa medical mission ngayong araw sa Barangay Buli, Muntinlupa City.

Samantala, nitong buwan ng Setyembre ay umabot na sa mahigit labing tatlong libo ang napagsilbihan sa tuloy-tuloy na medical missions sa bansa.

Bukod sa Metro Manila, nakapagdaos din ng medical missions sa mga probinsya gaya sa Nueva Ecija, Laguna, Batangas, Lucena at Camarines Norte.

Sa mabuting adbokasiya ni Bro. Eli Soriano at Kuya Daniel Razon, walang patid ang serbisyo publiko sa iba’t-ibang panig ng bansa upang matulungan at maaabot ang mga kababayang nating nangangailangan ng tulong sa anoman ang kalagayan sa  buhay.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,