Libo-libong Nepalese, siksikan ngayon sa mga evacuation tents

by dennis | April 27, 2015 (Monday) | 2227
Photo credit: Reuters
Photo credit: Reuters

Libo-libong Nepalese ang pansamantalang nanunuluyan sa mga tent habang patuloy na numinipis ang suplay ng pagkain at gamot ilang araw matapos yanigin ng malakas na lindol ang Kathmandu kung saan mahigit 2,500 katao ang patay.

Sa dami ng mga naging biktima ng lindol, halos hindi na magkasya sa mga ospital at kulang na rin ng mga kama para maasikaso ang mga sugatan sa isang makeshift tent sa loob ng Kathmandu Medical College.

Halos kaliwa’t kanang rescue at assistance request ang natatanggap ng mga tauhan ng disaster management ng Nepal dahil sa dami ng nangangailangan ng tulong na hanggang ngayon ay naiipit sa mga gumuhong gusali at kabahayan sa kapitolyo ng nabanggit na bansa.

Samantala, daan-daang foreign at Nepalese climbers ay kasalukuyan pa ring na-stranded sa Himalayas makaraang salantain ng avalance na rumagasa sa isang base camp ng mga climber kung saan 17 ang patay.

Sa mga oras na ito, nasa 2,460 na ang kumpirmadong patay sa Nepal habang 66 naman ang patay sa hangganan ng India, at 20 katao naman ang nasawi sa Tibet.

Inaasahan na tataas pa ang bilang ng patay dahil patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operations sa mga gumuhong istruktura sa Nepal.

Tags: , , , ,