Liberal Party, tiwalang makukumbinsi nila si Sen. Grace Poe upang maging running mate ni Sec. Mar Roxas sa 2016 elections

by Radyo La Verdad | August 17, 2015 (Monday) | 1105

ROXAS
Kumpiyansa ang Liberal Party na papayag si Senator Grace Poe na maging running mate ni DILG Secretary Mar Roxas sa 2016 national elections.

Ito’y matapos na pormal na alukin ni Sec. Roxas si Poe na tumakbo bilang Vice President sa ilalim ng administration ticket batay sa kanilang pagpupulong.

Sa turnover ceremony ng 204 na police patrol jeeps sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna, inihayag ni Roxas na nagpulong na sila ni Poe kasama ang pamilya nito ngunit tumanggi siyang idetalye ang kanilang mga napag-usapan.

Masaya umano siya sa naging resulta ng pulong na tumagal ng higit isang oras.

Hindi naman kasama sa pulong si Sen. Francis Escudero na kilalang malapit na kaibigan ng senadora at napapabalitang magiging ka-tandem ni Poe kapag tumakbo ito sa 2016.

Naniniwala naman ang ilang opisyal ng Liberal Party na makukumbinsi nila si Poe lalo na’t tutulong rin sa panunuyo sa senador ang mga malalaking political party na kaalyado ng partido liberal

Sakali namang mabigo silang mapapayag si Poe, ikino-konsidera pa rin naman nila sina Batangas Governor Vilma Santos-Recto at Congresswoman Lenie Robredo na maging running mate ni Roxas.

Sakaling matuloy naman ang Mar-Poe tandem sa darating na halalan, naniniwala si Oriental Mindoro Gov. Boy Umali na sigurado na ang tagumpay ng dalawa.(Sherwin Culubong/ UNTV News)

Tags: , , ,