Liberal Party, nagsumite na ng SOCE

by Radyo La Verdad | June 14, 2016 (Tuesday) | 2110

VICTOR_SOCE-GFX
Halos isang linggo matapos ang deadline, nagsumite na ng Statement of Contributions and Expenditures o SOCE ang Liberal Party.

Pasado alas onse ng umaga ng dalhin sa COMELEC ang SOCE ng LP pati ang mga supporting documents nito.

Batay sa contributions and expenditures report mahigit 241 million pesos ang natanggap na kontribusyon ng partido at ito rin ang kabuoang ginastos nila sa kampanya.

Subalit hindi kasama sa isinumiteng dokumento ang SOCE ni Mar Roxas na kumandidatong pangulo.

Wala pa ring desisyon ang COMELEC kung tatanggapin ang isinumiteng SOCE ng LP.

Una nang hiniling ng LP sa Comelec En banc na bigyan ng 14 na araw na palugit sa pagsusumite ng SOCE dahil sa dami ng kailangang ayusing mga dokumento.

Kanina nagpulong ang mga miyembro ng Comelec En banc subalit hinihintay pa rin ang rekomendasyon ng Campaign Finance Office sa isyu bago mag desisyon.

Naka leave ang pinuno ng CFO na si Commissioner Christian Robert Lim.

Subalit batay sa COMELEC Resolution Number 9991 non-extendible ang June 8 deadline sa pagsusumite ng SOCE at hindi na tatanggap pa ng anumang SOCE matapos ang itinakdang petsa.

Nakasaad rin sa section 14 ng republic act 7166 na kapag hindi nakapagsumite ng SOCE ang partido sa itinakdang panahon ay hindi maaring makaupo sa pwesto ang mga nanalong kandidato ng partido.

Sa ngayon nasa tanggapan lang ng CFO ang isinumiteng dokumento ng lp habang hinihintay ang pasya ng En banc.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: ,