Legalidad ng EDCA, pinagtibay ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | July 27, 2016 (Wednesday) | 5667

SUPREME-COURT
Pinal na ang desisyon ng Supreme Court sa kaso ng Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa botong 9-4, pinagtibay ng Korte Suprema ang kanilang naunang desisyon na nagdedeklarang hindi labag sa saligang-batas ang EDCA.

Ayon pa sa korte, walang iprenesentang bagong argumento ang mga petitioner upang baguhin nila ang desisyon.

Sinagot din ng korte ang argumento ng mga petitioner na hindi makabubuti ang EDCA sa interes ng Pilipinas.

Kabilang sa mga nagpetisyon laban sa EDCA sina dating Senador Rene Saguisag at Wigberto Tanada na bumuto upang mapaalis sa bansa ang mga base-militar ng Amerikano noong 1991.

Ayon naman sa Malakanyang, makatutulong ang desisyon ng korte sa modernisasyon ng sandatahang lakas at sa kakayahan nitong sumaklolo sa panahon ng kalamidad.

Sa kanilang desisyon nitong Enero, sinabi ng korte na isang executive agreement lamang ang edca upang ipatupad ang mga naunang kasunduang militar ng Pilipinas at Estados Unidos.

Hindi anila ito isang treaty na kailangang ratipikahan muna ng senado bago maipatupad gaya ng itinatakda ng section 25, article 18 ng 1987 constitution.

Ayon pa sa Korte Suprema, may kapangyarihan naman ang pangulo ng bansa na pumasok sa ganitong kasunduan.

Dati na rin pinapayagan ang pagpasok ng mga sundalong Amerikano sa bansa sa ilalim ng visiting forces agreement.

(Roderic Mendoza/UNTV Radio)

Tags: