Lalaking kabilang sa nagplano sa pagtakas sa Bacoor City lock up cell, isinuko ng kamag-anak sa pulisya

by Radyo La Verdad | August 22, 2018 (Wednesday) | 1476

Matapos ang dalawampu’t limang araw ng pagtatago, balik kulungan na ang isa sa mga tumakas sa Bacoor City lock up cell noong ika-27 ng Hulyo.

Kahapon ay personal na isinuko ng kaniyang mga kamag-anak sa Dasmariñas PNP ang puganteng si Jun Marco Castro. Si Castro ay sinasabing isa sa mga nagplano ng pagtakas sa naturang kulungan. Sa ngayon ay limang pugante nalang ang patuloy pang pinaghahanap ng mga pulisya.

Samantala, sinalakay ng tauhan ng Dasmariñas police ang isang bahay sa Barangay Sampaloc Dos, Dasmariñas City kahapon.

Habang isinasagawa ang buybust operation ay naaktuhan umano ng mga otoridad ang nasa siyam na indibidwal na gumagamit ng iligal na droga. Nakumpiska sa mga ito ang nasa labing pitong pakete ng hinihinalang shabu.

At sa General Trias City, sinalakay ng mga tauhan ng General Trias City Police ang dalawang bahay sa Barangay San Francisco kagabi. Lima ang naaresto sa operasyon kung saan nasa mahigit 100 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 650,000 piso.

Ayon kay General Trias City Police Chief Superintendent Paul Bometivo, isa aniya ito sa kanilang tinututukang tulak ng iligal na droga sa nasabing lugar.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang mga naarestong suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,