Labor groups, magsasagawa ng kilos-protesta kung hindi pa rin mapirmahan ang excutive order sa pagpapatigil ng ‘endo’

by Radyo La Verdad | March 5, 2018 (Monday) | 2976

Hindi katanggap-tanggap para sa ilang grupo ng mga manggagawa ang alok na kompromiso ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maresolba ang isyu ng kontraktwalisasyon sa bansa.

Matatandaang noong Lunes, sa inagurasyon ng isang shooting range sa Davao City, sinabi ng pangulo na hindi niya maaring pilitin ang mga negosyante na tapusin ang kontraktwalisasyon.

Bagkus aniya ay dapat na magkaroon na lamang ng kompromiso sa pagitan ng magkabilang panig.

Para sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP, maliwanag na pagtalikod ito ng pangulo sa pangako nito noong campaign period na wawakasan ang kontraktwalisasyon.

Malamang anila na ang lalagdaan ng pangulo na executive order sa ika-15 ng Marso ay katulad lamang ng Department Order 174 na inilabas ng Department of Labor and Employment noong nakaraang taon.

Dahil dito, malawakang kilos-protesta anila sa iba’t-ibang lugar sa bansa ang kanilang isasagawa bilang pagpapakita ng pagtutol sa hiling na kompromiso ni Pangulong Duterte.

Araw-araw umano nila itong isasagawa hanggang mawakasan ang kontraktwalisasyon. Hindi naman tinukoy ng grupo kung kailan magsisimula ang kanilang mass protest action.

Wala pa namang sagot ang Malacañang sa isyu.

 

( Rajel Adora / UNTV Correspondent )

Tags: , ,