Labor Group umaasang maipapasa ang mandatory insurance para sa construction workers

by Radyo La Verdad | December 9, 2022 (Friday) | 2425

METRO MANILA – Inihain ni Senador Sherwin Gatchalian ang Senate Bill 821 o ang Construction Workers Insurance Act.

Layon nito na obligahin ang mga employer na mabigyan ng mandatory group personal accident insurance coverage ang mga nagtatrabaho sa construction.

Ayon sa general manager ng isang construction company na si Marvin Balanlayos, malaki ang maitutulong ng panukalang batas dahil ang mga construction worker ang unang tinatamaan ng mga aksidente

Naniniwala naman si Atty. Sonny matula ng Nagkaisa Coalition na mas madadagdagan ang benepisyo ng mga manggagawa bukod sa minimum standards na ipino-provide ng batas.

Ayon sa naturang panukala, ang coverage ng insurance ay magsisimula sa unang araw ng pagtatrabaho ng construction worker hanggang sa pagkumpleto ng construction project o sa pagtatapos ng kontrata ng trabaho.

Ang mga premium na babayaran sa insurance company ay magmumula sa employer at hindi dapat ibawas sa sahod ng mga construction worker.

Mula noong hunyo ngayong taon ay sunod-sunod ang mga aksidente na naitatala sa bansa kaya malaki aniya ang maitutulong ng panukalang batas na magbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa

(Bernadette Tinoy | UNTV News)

Tags: , ,