2 patay, 1 sugatan sa pagguho ng isang itinatayong gusali sa Baguio City kahapon

by Radyo La Verdad | June 14, 2018 (Thursday) | 3869

Gumuho ang isang itinatayong condominium building sa Barangay Salud Mitra sa Baguio City bandang alas tres ng hapon kahapon.

Nasawi sa insidente sina Engr. Patrick Lachica ang project engineer ng at ang human relations officer na si Hanna Jean Aragon na nasa opisina sa loob ng itinatayong gusali nang gumuho ito. Sugatan naman ang construction worker na si Salvador Opiana.

Nahirapan naman ang mga rumespondeng rescuer na agad makuha ang mga biktima dahil patuloy ang pag-ulan at posibleng pagkakaroon muli ng pagguho.

Ayon sa hepe ng Baguio City Emergency Service, posibleng lumambot ng lubha ang lupa sa lugar dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan kaya gumuho ang itinatayong gusali.

Iimbestigahan naman ng mga owtoridad kung nagkaroon ng pagkukulang ang contractor at kumpanyang nagmamay-ari ng gumuhong gusali sa insidente.

Samantala, isang lalake rin ang sugatan matapos matabunan din ng lupa habang ginagawa ang kanilang bahay sa Purok Magsaysay, Loakan Baguio City kahapon.

Agad naman itong dinala sa Baguio General Hospital at kasalukuyang nagpapagaling.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

Tags: , ,