Matapos ang halos 2 araw na paghahanap ay na-retrieve na kahapon ang katawan ng Filipina caregiver na si Melody de Castro.
Isa si Melody sa 10 naitalang nasawi makaraang gumuho ang ibabang bahagi ng kanilang tinitirahang gusali nang yanigin ng malakas na lindol ang Hualien County sa Taiwan.
Kahapon ay nakausap natin ang chairman ng MECO na si Angelito Banayo at sinabi niyang naipalam na nila sa mga kaanak ni Melody ang nangyari at inihahanda na ang lahat ng posibleng tulong na maibibigay sa mga naulila ni Melody.
Samantala, magbibigay din ng tulong ang pamahalaan ng Taiwan sa mga pamilya ng mga biktima.
800,000 NT o 1,300,000 pesos para sa mga namatayan ng kaanak at 250,000 NT o 400,000 pesos sa mga severely injured.
Isang Emergency Task Force naman ang inorganisa ng National Immigration Agency para tulungan ang mga foreign nationals na nawalan ng importanteng travel documents dahil sa lindol.
Ayon sa ahensya, walang bayad nilang ipagkakaloob ang serbisyong ito. Patuloy rin silang nakikipag-ugnayan sa lahat ng representative offfice sa Taiwan at sa mga travel agencies upang tulungan ang mga foreign national na naapektuhan ng trahedya.
7 pa ang nawawala kabilang na ang 5 Chinese Nationals at 1 mag-asawang Canadian. Kagabi ang huling araw ng itinalagang manual search & rescue sa 3 lugar na matinding napinsala ng lindol.
Simula ngayong araw ay gagamitan na nila ng malalaking makinarya upang i-clear na ang mga gusali at ma-recover pa ang mga biktima na naipit sa mga guho. Inaasahang matatapos ito ng mga rescuers bago pumasok ang mahabang holiday sa Taiwan na magsisimula sa February 15.
( Amiel Pascual / UNTV Correspondent )