Labi ng OFW na pinatay sa Kuwait na si Joanna Demafelis, inilibing na

by Radyo La Verdad | March 5, 2018 (Monday) | 4626

Suot ang puting t-shirt na may nakasulat na “Justice for Joanna”, daan-daang mga kakilala, kaibigan at taga-suporta ang dumalo sa libing kahapon ng overseas Filipino worker na si Joanna Demafelis noong Sabado ng hapon. Inilagak ang labi nito sa Virgin Island Cemetery.

Si Joanna, ang OFW na natagpuang patay sa loob ng freezer sa isang apartment sa Kuwait kamakailan, na hinihinalang pinatay ng kanyang amo.

Dumalo din sa libing sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Overseas Workers Welfare Administration Chief Hans Cacdac at ilang LGU opisyal ng Iloilo.

Samantala, pinababalik naman sa Kuwait ang mag-asawang supek sa pagpatay kay Joanna na sina Nader Essam Assaf at Mona Hassoun sa mga susunod na araw.

Ayon naman kay OWWA Chief Hans Leo Cacdac, dadalhin ang mga ito sa Kuwait upang isailalim sa paglilitis.

Inaanyayahan naman ang pamilya ni Joanna na pumunta sa Kuwait upang personal na saksihan ang paglilitis.

Sasagutin ng pamahaalaan ang lahat ng gastusin ng pamliya sa pagpunta sa abroad.

Tiniyak rin ng DOLE na patuloy pa rin ang ayuda ng gobyerno sa mga naiwang pamilya ni Joanna.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,