Dinumog ng mga interesadong kumpanya ang kauna-unahang public consultation ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagpili ng bagong telco player ng bansa. Ipinirisinta ng DICT ang draft terms of reference na gagamitin upang piliin ang bagong telco.
Ayon sa DICT, mahigpit ang labanan at may ilang nakiusap na muling ma-extend ang pagpapasa ng kanilang position paper subalit hindi na pumayag ang DICT dahil sa deadline na binigay ng Pangulo. Desidido ang DICT na bago matapos ang 2018 ay maianunsyo na sa publiko kung sino ang bagong telco player.
Pipiliin ang bagong telco sa pamamagitan ng highest committed level of service (HCLoS). Kung sino ang may maipapangakong pinakamagandang serbisyo ang mananalo at hihiranging bagong major telco player.
Kabilang sa mga local company na interesado ay ang PT&T, Converge ICT, Transpacific Broadband Group International, Inc. at EasyCall. Nagpahayag din ng interes ang bansang Korea, China, Vietnam at Estados Unidos na makipag-partner sa mga local telco.
Plano naman ng DICT na mas higpitan ang regulasyon na nakakasakop sa mga telco sa bansa kapag napili na ang bagong major player.
Nais isulong ng DICT na maisabatas ang ilang mga regulasyon gaya ng pag-obliga sa mga telco na isauli ang mga frequency na hindi nagagamit at pagpapatupad ng ‘common tower policy’ na kung saan papayagan na makagamit ang ibang telco sa cell tower ng iba.
Sinangayunan naman ng grupo ng mga consumer ang plano ng DICT na higpitan ang regulasyon sa mga telco.
Ayon naman sa Philippine Competition Commission, mahigpit nilang babantayan ang performance ng papasok na telco upang matiyak na may maayos na kompetisyon sa pagitan ng mga ito.
Mayroon pang natitirang dalawang public consultation bago ang submission of bidding documents sa huling linggo ng Oktubre.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: DICT, HCLoS, telco player