Kuwaiti Government, ginagawa ang lahat ng paraan upang agad maaresto ang suspek sa pagpatay sa isang OFW

by Radyo La Verdad | February 15, 2018 (Thursday) | 2036

Darating na bukas ng tanghali sa Pilipinas ang labi ng Overseas Filipino Worker na si Joanna Demafelis. Si Demafiles ang natagpuang walang nang buhay sa loob ng isang freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait.

Noong Myerkules, nagtungo sa Al-Sabah Hospital si Philippine Ambassador to Kuwait Rene Villa kung saan nakalagak ang labi ng biktima upang tiyakin na handa na ito para sa repatriation.

Ayon kay Ambassador Villa, nakausap na niya ang mga opisyal ng Ministry of Interior sa Kuwait kaugnay ng kaso ni Demafelis.

Tiniyak umano ng mga ito na ginagawa ang lahat ng paraan upang mahuli ang mga suspek sa pagpatay sa OFW, ang dating amo nito na isang Lebanese National at asawa nitong Syrian.

Ang pagkasawi ni Demafelis ang tuluyang nagtulak kay Pangulong Rodrigo Duterte upang magpatupad ng deployment ban sa mga OFWs sa Kuwait.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,