Kumpirmasyon ng 2 mataas na opisyal ng Comelec, hindi natuloy dahil sa apela ni Sen. Juan Ponce Enrile

by Radyo La Verdad | September 2, 2015 (Wednesday) | 3831

BAUTISTA
Humarap sa Committee on Constitutional Commissions and Offices ng Commission on Appointments ngayong araw sina Comelec Chairman Andres Bautista at Commissioner Sheriff Abas.

Kaugnay ito ng deliberasyon ng komite upang makumpirma ang Ad Interim Appointment sa kanila ng pangulo.

Dumalo sa pagdinig si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.

Unang sumalang sa pagtatanong ng komite si Bautista at dito agad siniyasat ni Enrile kung natugunan na ng komisyon ang sulat ni PPCRV Chairperson Henrietta de Villa noong 2013 kay dating Comelec Chairman Sixto Brillantes.

Nakasaad sa sulat ang ulat ni De villa na mahigit sa labing-walong libong presinto na katumbas ng 12 milyong botante ang hindi nakapag-transmit ng resulta sa transparency server na siyang pinagbabatayan ng quick count ng PPCRV.

Paliwanag ni Bautista, naisumite na ng Comelec sa Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System ang resulta ng kanilang pag-iimbestiga sa naging problema.

Nangako rin ang poll body na patuloy na nila itong pinag-aaralan upang maiwasan na itong mangyari muli.

Sa kabila ng paliwanag ni Bautista, ipinagpaliban pa rin ang pagdinig sa kumpirmasyon ng dalawang opisyal hangga’t hindi naisusumite ang kopya ng report na hinihingi ni Enrile.

Bukod kay Senator Enrile, humarap din sa pagdinig sina Jose Ma. Ozamis at Lin Ilusorio Bildner na tumututol naman sa pagkakatalaga kay Bautista bilang Chairman ng Comelec.

Ayon kay Ozamis, ang hindi nila pagsang-ayon sa appointment ni Bautista ay bunsod ng ginawa nito noong siya pa ang pinuno ng Presidential Commission on Good Government.

Pinasinungalingan naman ito ni Bautista.

“We were then elected to the board with the knowledge and assistance of the current management however subsequently i was never invited to and hence has never attended one board meeting. So i am completely suprised by the assertion of Mr. Ozamiz that during the Aquino Administration PCGG intruded into and actively interfered in the business affairs of Philcomsat. This is simply a complete falsehood.” Pahayag ni Comelec Chairman Andres Bautista

Dismayado naman si Bautista sa pagkakasuspinde sa confirmation ng kanyang appointment bagama’t batid niyang bahagi ito ng proseso.

Tiniyak rin niyang tatalima ang Comelec sa hiling na report ni Enrile at ipagpapatuloy ang kanilang trabaho sa komisyon.

Kung hindi makukumpirma ang appointment nina Abas at Bautista bago muling mag-recess ang sesyon ng kongreso, kailangan silang i-reappoint muli ng Pangulo upang manatili sa pwesto. (Victor Cosare / UNTV News)

Tags: ,