Kultura, musika at pagkaing Pinoy tampok sa 2018 Asia-Pacific Cultural Day sa Taiwan

by Radyo La Verdad | October 29, 2018 (Monday) | 11405

Dalawang araw ng pagpapalitan ng kultura, musika at pagkain mula sa iba’t-ibang bansa sa Asya Pasipiko ang isinagawa noong Sabado at Linggo sa Taipei, Taiwan.

Layon ng pagtitipon na mas makilala ng mga mamamayan ng Taiwan ang iba’t-ibang kultura sa mga bansa sa Asia-Pacific. Kabilang ang Pilipinas sa nagtanghal sa pangunguna ng Manila Economic & Cultural Office (MECO).

Ipinarinig ng Rondalla ng City of Bogo Science Arts & Academy ang tradisyunal na Musikang Pinoy na hinangaan ni Vice President Chen Chien-Jen. Ipinatikim din ng MECO kay VICE PRESIDENT CHEN at sa mga Taiwanese ang Pinoy style na sorbetes.

Iba’t-ibang sayaw din ang ipinakita sa dalawang araw kasabay ng mga food exhibit ng kani-kaniyang bansa.

Ayon kay Ambassador Baushuan Ger, director general ng East Asian and Pacific Affairs, ang tagumpay ng taunang pagtitipong ito ay bunga ng New Southbound Policy ng Tsai administration.

Sa nakalipas na taon ay umabot ng halos 300,000 Pilipino ang bumisita sa Taiwan.

Hanggang Hulyo 2019 epektibo ang free visa privilege sa mga Pilipino, pero ayon sa Ministry of Foreign Affairs ay patuloy nilang ire-review ito.

 

( Amiel Pascual / UNTV Correspondent )

Tags: , ,