Korte Suprema, pinayagang ilabas ang resulta ng Pilot Recount sa 3 probinsya

by Erika Endraca | October 16, 2019 (Wednesday) | 29012

METRO MANILA, Philippines – Nagpakita muli ng pwersa ang mga tagasuporta ni dating Senator Ferdinand Bong Bong Marcos at Vice President Leni Robredo Kahapon (October 15)  sa harap ng Korte Suprema.

Inaasahan kasi kahapon ang paglalabas ng desisyon ng Supreme Court (SC)  na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal (PET) sa preliminary recount report ng member-in-charge na si Justice Benjamin Caguioa sa 3 probinsya, ang Iloilo, Negros Occidental at Camarines Sur.

Ngunit ang tinalakay sa En Banc session ng SC ay ang tungkol sa paglalabas ng resulta sa initial recount sa nasabing 3 pilot provinces. Sa botong 11-2 ay pinayagan ng tribunal ang paglalabas ng ulat sa revision at recount sa 3 probinsya.

“The tribunal has decided to release to the parties the report on the revision and appreciation of ballots in the three provinces, and for them to comment thereon”ani Supreme Court  Spokesperon Attorney Brian Keith Hosaka..

Sina Justices Antonio Carpio at Caguioa ay nag-dissent o sumalangat sa naturang resolusyon. Inatasan din ng PET ang 2 kampo na ibigay ang kanilang posisyon, mga puna o pagtutol hinggil sa iba’ibang isyu sa preliminary report sa recount.

Samantala, sa ika-4 na pagkakataon ay ipinagpaliban ang botohan sa tinatawag na Caguioa Report ukol sa naging resulta ng initial recount. Sa botohang ito malalaman kung uusad pa o tuluyan nang idi-dismiss ang protesta ni Marcos sa pagkapanalo ni VP Robredo dahil sa alegasyon ng dayaan at anomalya sa nakaraang 2016 Vice Presidentail Elections.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,