Sa botong 11-4, nagdesisyon kahapon ang Supreme Court na i-dismiss ang kasong plunder ni dating Pangulong Gloria Arroyo kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit sa 366-million pesos na pondo ng PCSO.
Kasabay na iniutos ng korte ang agarang pagpapalaya kay Arroyo mula sa Veterans Memorial Medical Center kung saan siya nakahospital arrest simula noong October 2012.
Ngunit hindi pa makalalabas ng detention ang dating pangulo dahil hanggang ngayon, wala pa ring kopya ng desisyon ng Korte Suprema.
Kanina, maagang nagabang ang abogado ni Arroyo sa ilalabas na kopya ng desisyon.
Bagamat masaya aniya si Ginang Arroyo sa naging desisyon ng Korte Suprema, may halo itong pagkadismaya.
Alinsunod sa proseso ng mataas na hukuman, pagsasama-samahin muna ang mga opinyon ng mga mahistrado pagkatapos ng botohan sa en Banc session.
Kapag naisaayos na ang final draft ng desisyon, kailangang malagdaan muna ito ng mga mahistrado bago mabigyan ng kopya ang mga partido sa kaso.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)