METRO MANILA – Pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang bago maging isang ganap na batas ang kontrobersiyal na Anti-Terrorism Bill.
Ito’y matapos i-anunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na natanggap na nila ang kopya ng panukalang batas.
Ilang oras matapos kumpirmahin ni Senate President Vicente Sotto III na nalagdaan na nila ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Anti-Terrorism Bill at naipasa na ang opisyal na kopya kahapon ng umaga.
Sa kabila ito ng pagbawi ng ilang kongresista sa kanilang naunang boto na pagpabor sa panukalang batas sa gitna ng kritisismo mula sa iba’t ibang sektor sa bansa.
Nauna nang iginiit ni Senator Panfilo Lacson na siyang sponsor at isa rin sa may akda ng Senate Bill 1083 o ang bersyon Ng Anti-Terrorism Bill sa Senado na hindi pupwedeng bawiin ng mga mambabatas ang kanilang boto sa Kongreso.
Tiniyak naman ng Malacanang na pag-aaralang mabuti ni Pangulong Duterte ang mga probisyon ng panukalang batas bago lagdaan kahit na sinertipikahan ito bilang urgent bill.
Kumpiyansa naman si Sotto na hindi ito ivi-veto ng Punong Ehekutibo.
Samantala, ayon naman kay senator risa hontiveros, ilang grupo na ang nagpaplanong kwestiyunin ang anti-terrorism bill sa korte suprema sakaling maging ganap itong batas.
Isa si Hontiveros sa dalawang senador na bumoto ng hindi pabor sa anti-terrorism bill sa deliberasyon nito noon sa senado.
Mayroong tatlumpung araw si pangulong duterte upang magdesisyon kung lalagdaan na maging batas ang Anti-Terrorism Bill; ibi-veto o ibabasura; o hindi na aaksyunan at hahayaan na lamang itong maging isang batas.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: Anti Terrorissm Bill, Malakanyang