Kontra Abuso hotline, inilunsad ng NFA

by Radyo La Verdad | July 13, 2018 (Friday) | 2246

Hinihimok ng National Food Authority (NFA) ang publiko na magbantay, makialam at magsumbong ng iregularidad sa kalakalan ng bigas sa pamamagitan ng paglulunsad ng ‘Kontra Abuso hotline’.

Ayon sa NFA, ang Task Force Kontra Abuso ay binubuo ng mga tauhan ng security services and investigation department, sila ang mamamahala sa nasabing hotline 24 oras araw-araw sa pamamagitan ng tawag at text.

Layon nito na maaksyunan ang sumbong ng mga consumers sa loob ng 72 oras.

Ang nasabing sumbungan ay lulutas ng iba’t-ibang reklamo tulad ng harassment at pang-aabuso tulad ng diversion, adulteration, and overpricing na ginawa ng mga negosyante.

Bukod sa 8888 at NFA hotlines, nagbabantay rin ang mga tauhan ng NFA sa mga pamilihan para maiwasan ang mga paglabag at matiyak na sapat ang suplay nito.

Ayon sa NFA, 197,400 metric tons na ang dumating na imported na bigas sa bansa galing Thailand at Vietnam.

Inaasahang darating ngayong buwan ang nalalabing 52,600 metric tons upang makumpleto 250,000 metric tons na importation.

Ayon sa NFA, tinatayang 1.7 milyong bag ng bigas na ang nadala na sa mga warehouse sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Dahil dito, maaari na anilang bumaba ng piso hanggang dalawang piso ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Sa kasalukuyan, ang well-milled NFA rice ay mabibili sa halagang P27 at P32 kada kilo sa 13,636 accredited retailers sa bansa.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,