MANILA, Philippines – Pansamantalang ititigil simula Disyembre ang konstruksiyon sa Skyway 5-KM Extension project. Ito ay sa bahagi ng Susana Heights hanggang Alabang via Duct Northbound ng South Luzon Expressway.
Ayon sa presidente ng Skyway Operations and Maintenance Corporations (SOMCO) na si Manuel Bonoan layon nito na bigyang daan ang inaasahang pagdami ng mga motoristang babaybay sa SLEX sa long holiday season.
Sinabi rin ni Bonoan na sa susunod na buwan ay maaari nang magamit ng mga motorista ang isang lane na kanilang inokupa sa konstruksyon.
Matatandaang nagdulot ng matinding pagbigat sa daloy ng mga sasakyan simula noong isang linggo sa SLEX Northbound bunsod ng isinarang isang lane sa bahagi ng Susana Heights hangang Alabang Viaduct dahil sa ginagawang mga poste.
Pinag-Iisipan naman ngayon ng pamumunuan ng Skyway kung maglalagay sila ng window hour para sa mga malalaking truck upang huwag ng makadagdag pa sa matinding trapiko.
Samantala, nakatakda na ring ipatupad sa isang Linggo na maging one way ang east service road sa Muntinlupa City. Tiniyak naman ng pamunuan ng Skyway na malaking ginhawa sa pagbiyahe ng mga motorista ang proyekto sa oras na matapos ito.
(Sherwin Culubong | UNT News)