Araw-araw siyang kinagigiliwan sa programang KNC Show dahil sa kanyang angking galing sa sining.
At ngayon, buong mundo ang pinabilib ng talento ni Christian Luke Alarcon o mas kilala natin bilang “Moonlight” dahil sa pagkakapanalo ng kanyang likha sa 13th International Art Renewal Center Salon Competition.
Mula sa libo-libong entry, pumili ang mga hurado ng isang grand prize winner at anim na honorable mentions sa Da Vinci Initiative category.
Ang artwork ni Moonlight na “Gluttony” ay napili bilang isa sa honorable mentions. Pumapangalawa din ito sa botohan para sa People’s Choice Award.
Ang kahanga-hangang artwork na ito ay ginawa niya noong siya ay labing tatlong taon pa lamang. Sa murang edad, nakilala na si Moonlight sa kanyang makabuluhang mga obra.
Una nang sumali si Moonlight sa kumpetisyon noong isang taon kung saan ang kanyang obra na “Old Master” ay nabilang sa mga finalist.
Isa sa mga inspirasyon ng KNC Show host ay ang kanyang pamilya na kapwa niya rin mga artist.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )