Kilos-protesta para sa binatilyong biktima ng anti-drug war ng pamahalaan, isasagawa mamayang gabi

by Radyo La Verdad | August 21, 2017 (Monday) | 2609

Nagtrending sa facebook ang post ni University of the Philippines professor Sylvia Claudio na himagsikan para kay Kian. Umabot ito sa halos dalawandaang shares at mahigit apat na raang likes.

Panawagan nito ang isang kilos-protesta sa People’s Power Monument mamayang alas-sais ng gabi laban sa anti-drug operation ng Administrasyong Duterte kung saan marami ang napapaslang. Kabilang na ang 17 taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos sa Caloocan noong nakalipas na Miyerkules ng gabi.

Binigyang-diin naman ni Claudio na walang halong pamumulitika ang isasagawang kilos-protesta at di nila hinihikayat ang pagdadala ng mga banner o poster ng mga organisasyon kundi ng mga larawan ng mga biktima ng anti-drug war.

Samantala, aminado rin si Presidential Spokesperson Ernesto Abella na napukaw ang sentimyento ng publiko dahil sa pagkakapaslang kay Kian.

Nagbigay ito ng katiyakan na kasabay ng puspusang pagsupil ni Pangulong Duterte sa drug apparatus sa bansa, iimbestigahan din ang mga nagkakamaling law enforcers.

Noong nakaraang huwebes ay ni-relieve na sa pwesto ni NCR Police Director Oscar Albayalde ang mga pulis na sangkot sa krimen at isinasailalim na ang mga ito sa imbestigasyon.

 

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,