Isinagawa ang kick off campaign ng Liberal Party (LP) sa mismong balwarte ng mga Roxas sa Roxas City Capiz ngayong araw.
Dinaluhan ito ni Pangulong Benigno Aquino III kasabay ng ginawa PAG- inspeksyon sa proyekto ng DPWH sa Brgy. Duyoc, Dao Capiz.
Sa talumpati ng Pangulo sa Capiz Gymnasium, kinampanya nito ang kaniyang pambato para sa 2016 elections.
Ayon sa pangulo, ang paglago ng ekonomiya sa ilalim ng kaniyang administrasyon ay maipagpapatuloy lamang aniya nina Roxas at Robredo.
“Tumotoo ako sa panatang paglingkuran ang sambayanan at ihatid kayo sa mas maayos na kalagayan. Ngayon sinasabi ko rin po sa inyo, si Mar Roxas at Leni Robredo ang magpapayabong ng ating mga ipinunla.” Pahayag ng Pangulo.
Nasa mga botante na lang rin aniya ang desisyon kung ibig nitong maipagpatuloy ang tuwid na daan ng kaniyang administrasyon.
“Nasa kamay natin kung sa aling direksyon natin itatahak ang bayan; kung itutuloy ba ang Daang Matuwid o babalik tayong muli sa baluktot na daan.” Dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi rin nito na sapat ang kakayahan Camarines Sur Rep.Leni Robredo upang mamuno sakaling hahalili ito kay Roxas.
Kasama ni Roxas at Robredo ang senatorial slate ng Liberal Party maliban kay dating TESDA Sec. Joel Villanueva na nangampanya sa Amoranto Stadium sa Quezon city.
Ang senatorial line up ng partido liberal na dumating sa Capiz Gymnasium ay sina Senate Pres. Franklin Drilon, Senate Pro Tempore Ralph Recto, Senator Teofisto Guingona III, mga dating senador na sina Francis Pangilinan at Panfilo Lacson, dating Justice Sec. Leila de Lima, former Energy Secretary Jerico Petilla ,dating TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid, PhilHealth Director at former Akbayan Representative Risa Hontiveros, COOP NATCCO Party List Representative Cresente Paez, at DILG Assistant Secretary for Muslim Affairs and Special Concerns at former Maguindanao officer-in-charge Nariman Ambolodto.
Pagkatapos nito, nagsagawa ng Motorcade ang LP ticket patungong Iloilo para sa isa pang campaign rally kasama si Pangulong Aquino.
(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)