Kasunduan sa pagpapalakas ng e-commerce market, nilagdaan na ng ASEAN

by Radyo La Verdad | November 12, 2018 (Monday) | 6197

Ngayong umaga ay pormal nang binuksan ang ASEAN Business and Investment Summit sa pangunguna ni Prime Minister Lee Hsien Loong, ang chairman ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) ngayong taon.

Sa pagtitipon, hinikayat ni Prime Minister Lee ang mga mamumuhan sa rehiyon na samantalahin ang oportunidad at makilahok sa pandaigdigang kalakalan.

Binigyang-diin ni Prime Minister Lee na malaki ang potensyal ng ASEAN upang maabot ang target nito na maging ikaapat sa pinakamalalaking ekonomiya sa buong mundo sa taong 2030.

Subalit ayon kay Prime Minister Lee, mahihirapan ang regional body na makipagkumpitensya sa malalaking ekonomiya kung hindi lahat ng kasapi ay susuportahan ang inisyatibong ito.

Binigyang-diin nito na ang ASEAN Economic Community (AEC) 2025 Blueprint ay siyang gabay ng bawat kasaping bansa ng ASEAN upang mas mapatatag pa ang integration at makapagbukas pa ng mas maraming oportunidad sa pag-unlad.

Kaugnay nito, kaninang umaga ay nilagdaan na ng ASEAN ang e-commerce agreement kung saan inaasahan ang mas malawak na pamumuhunan sa rehiyon at pagpapalakas ng potensyal ng ASEAN sa e-commerce market sa pamamagitan ng pag-streamline ng umiiral na trade rules sa rehiyon.

 

( Queenie Ballon / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,