Kasunduan para mapangalagaan ang karapatan ng mga OFW sa Kuwait, inaasahang malalagdaan sa Marso – Sec. Bello

by Radyo La Verdad | February 22, 2018 (Thursday) | 4527

Magtutungo sa Kuwait ang technical working group ng Department of Labor and Employment (DOLE) para makipagpulong sa counterpart nito at pag-aralan ang panukalang kasunduan na magbibigay ng proteksyon sa mga manggagawang Pilipino sa naturang bansa.

Dalawang araw ang nakalaan upang pag-aralan ang naturang kasunduan kaya inaasahang sa susunod na buwan ay malalagdaan na ito. Ilang taon nang hinihiling ng Pilipinas sa Kuwait na magkaroon ng ganitong kasunduan.

Samantala, humihingi naman ng paumanhin ang Malacañang sa mga Pilipinong apektado ng OFW deployment ban sa Kuwait.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na malagdaan muna ang naturang kasunduan bago paunlakan ang paanyaya sa kaniya ng Kuwaiti government na bumisita sa kanilang bansa.

Sa buwan din ng Marso, inaanyayahan ang punong ehekutibo na dumalaw sa naturang Gulf State.

Makailang beses nanawagan ang punong ehekutibo sa kaniyang public statement na bigyan ng makataong pagtrato ng Kuwait at iba pang Arab countries ang mga Pilipinong manggagawa.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,