Kasunduan ng Pilipinas at Kuwait para sa proteksyon ng OFW, posibleng mapirmahan na sa loob ng dalawang linggo

by Radyo La Verdad | March 19, 2018 (Monday) | 6412

Nagkasundo na ang labor officials ng Pilipinas at Kuwait sa final draft ng bilateral agreement o ang memorandum of understanding (MOU) para sa proteksyon ng overseas Filipino workers, matapos ang dalawang araw na pagpupulong mga ito noong nakaraang linggo.

Pumayag na rin aniya ang Kuwait sa nais na probisyon ng Pilipinas kaugnay ng pagbibigay ng karapatan sa OFW na mahawakan ang pasaporte ng mga ito at ang isyung kaugnay sa kanilang kontrata.

Sa isang mensahe sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na posibleng sa loob ng dalawang linggo, mapipirmahan na sa Kuwait ang MOU sa pagitan ng dalawang bansa.

Nguni’t hindi pa rin aniya irerekomenda ni Sec. Bello kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-lift ng total deployment ban sa naturang Gulf state kahit na mapirhman ang nasabing kasunduan.

Ayon sa kalihim dalawang kondisyon ang ibinigay nito para alisin ang deployment ban, isa rito ang pagbibigay ng hustisya sa kamatayan ni Joanna Demafelis ang OFW na pinatay at isinilid sa isang freezer.

Maaari lang aniyang ikonsidera ang lifting ng ban para sa skilled workers nguni’t hindi para sa household service workers.

Samantala, nag-alok ng trabaho ang ilang Japanese businessmen sa Labor Department para sa mga libo-libong OFW repatriates mula sa Kuwait.

Ayon pa sa kalihim, posibleng sa Mayo magsimula na ring mag-deploy ng mga OFW sa Japan ang DOLE kapag napagtibay na ang kontrata ng mga kukuning unang batch ng repatriates mula sa Kuwait.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,