Kaso ng tigdas sa bansa, umakyat sa 4,300; nasawi 70 na

by Jeck Deocampo | February 12, 2019 (Tuesday) | 2531

METRO MANILA, Philippines – Pumalo na sa mahigit sa 4,300 ang kaso ng tigdas mula Enero sa buong bansa kung saan 70 na ang nasawi ayon sa Department of Health (DOH).

Karamihan sa mga naitalang kaso ay mga bata na nasa apat na taong gulang pababa kung saan mahigit sa kalahati ay hindi pa nababakunahan mula nang ipinanganak.

Nasa National Capital Region (NCR) pa rin ang may pinakamataas na bilang ng mga may tigdas, na sinundan ng Calabarzon, Region III, Western at Central Visayas maging sa Northern Mindanao.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, delikado pa para sa isa hanggang limang buwang gulang na mga sanggol ang pagpapabakuna ng kontra-tigdas.

“Yes, kasi mura pa iyong kanilang immune system ‘no, at pangalawa meron kasing maraming pag-aaral na lumalabas mayroon silang natural immunity, not really immunity but a protection immunoglobulin (IGG) from the maternal circulation, pumupunta sa bata as a protective antibody,” aniya.

Inirerekomenda ng mga eksperto ang pagpapabakuna ng anti-measles para sa mga sanggol na siyam na buwang gulang pataas at matapos nito ay kinakailangang paturukan ng booster ang sanggol mula 12 hanggang 15 buwan.

Ayon pa sa Kagawaran ng Kalusugan, sapat pa sa ngayon ang vaccine supply ng bansa, kaya’t sa panahon ng outbreak ay pinapaalalahanan nito ang mga magulang na huwag nang mag-atubiling dalhin sa mga health center ang kanilang mga anak upang huwag mahawa ng sakit kapag may outbreak.

(Mai Bermudez/UNTV News)

Tags: , , , ,