Karapatan sa maayos na kapaligiran, isasama sa mga probisyon ng bagong Saligang Batas

by Radyo La Verdad | March 27, 2018 (Tuesday) | 2977

Sa ilalim ng 1987 constitution, kinikilala ng estado ang karapatan ng taong bayan sa maayos na kapaligiran. Pero gaya ng pagbabawal sa mga political dynasties, kailangang magpasa ng batas ang Kongreso upang maipatupad ito.

Ang problema sa ngayon, hindi rin maipatupad ng maayos ang sari-saring batas na ginawa ng Kongreso. Kayat hindi pa rin mapigil ang patuloy na pagkasira ng kapaligiran, gaya na lamang ng kinahinatnan ng isla ng Boracay.

Ayon kay retired Chief Justice Reynato Puno, naiwasan sana ang sitwasyong gaya nito kung naging mahigpit ang pagpapatupad ng batas.

Bilang solusyon, ipinapanukala ngayon sa consultative committee na gawing bahagi ng bill of rights o listahan ng mga karapatan sa ilalim ng Saligang Batas ang karapatan sa maayos na kapaligiran.

Ibig sabihin, ayon kay CJ Puno, magiging kapantay na ito ng mga pangunahing karapatan ng bawat Pilipino na pwedeng hingin sa gobyerno.

Kasama na rito ang karapatang mabigyan ng kompensasyon kapag naapektuhan ng pagkasira ng kapaligiran.

Pero hindi na bago ang ganitong konsepto dahil matagal na itong nakasulat sa konstitusyon ng iba’t-ibang bansa gaya ng South Africa, Nepal at Argentina.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,