Karapatan ng migrant workers, sentro ng ASEAN labor ministers meeting sa Davao City

by Radyo La Verdad | February 21, 2017 (Tuesday) | 1865


Pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pulong ng mga labor minister mula sa sampung bansa na kasapi sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN kung saan ang pilipinas ang chairman ng summit sa taong ito.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ng kalihim na tututukan sa labor ministers forum ang pagbalangkas ng guidelines kung paano maipatutupad ang ASEAN Declaration on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers na nabuo 10 taon na ang nakalipas.

January 13, 2007 nalagdaan ang deklarasyon sa Cebu kaalinsabay ng 12th ASEAN Summit.

Ilan sa mga nakasaad sa naturang deklarasyon ay ang pagsusulong ng mga ASEAN member countries sa maayos, makatao, produktibo at marangal na hanapbuhay para sa migrant workers at ang pagpapatupad ng mga hakbang upang mapigilan ang smuggling at human trafficking.

Target na matapos at maisumite ang resulta ng pulong bago ang ASEAN leaders summit sa Abril.

Ibinida naman ng kalihim sa ibang mga delegado ang DAVAO CITY bilang hometown din ng chairman ng ASEAN para sa taong ito na si Pangulong Rodrigo Duterte.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,