Karamihan ng mga bus sa Araneta terminal sa Cubao, fully booked na

by Radyo La Verdad | December 23, 2015 (Wednesday) | 3712

PASAHERO
Nadoble pa ang bilang ng mga kababayan nating dumarating dito sa Araneta bus terminal sa Quezon City na nagnanais na makauwi sa kanilang mga probinsya ngayong holiday.

Karamihan sa mga ito ay pauwi ng Bicol at Visayas Region.

Kaya naman simula pa kagabi ay fully booked ang mga byaheng Naga, Matnog, Masbate, Pilar, Baguio Sorsogon, Bicol, Iloilo, Leyte, Samar, Tacloban at Maasin.

Ayon sa pamunuan ng Araneta bus terminal mula pa noong nakaraang linggo ay marami nang nagtitiyaga na pumila sa mga istasyon ng bus para makapagpareserba ng tiket.

Ngunit marami pa rin sa mga ito a ng naubusan kaya’t nangangambang hindi makakauwi sa susunod na linggo.

Umaasa na lamang ang mga ito sa mga extra trip na posibleng ilagay ng mga bus station.

Samantala, sa pagmomonitor ng Police Assistance Desk na nakatalaga sa pagbabantay sa mga istasyon ng bus wala pa namang silang napaulat na mga incidente na nangyari mula nang dumagsa ang mga pasahero.

Maliban lang sa kanilang natatanggap na mga reklamo ng mga pasahero dahil sa delay na pagdating ng mga bus na kanilang masasakyan.

Ayon sa pamunuan ng bus terminal trapik ang problema kaya’t delayed ang pagbalik ng mga bus sa terminal.

Minsan ay inaabot ng mahigit dalawang oras ang delay ng mga bus kaya naman hiling ng bus operators sa ating mga kababayan na habaan pa ang kanilang pasensya.

Dagdag din nila na bumaba ang mga pasaherong lumuwas sa probinsya kumpara ng nakaraang taon dahil sa naapektuhan ng bagyo.

Sa tala ng Araneta Terminal Management nasa mahigit 8000 ang mga pasaherong dumagsa ngayong linggo sa istasyon at tinatayang madaragdagan pa ito ngayong araw hanggang sa byernes.

(Reynante Ponte/UNTV News)

Tags: , , , , , , , , , ,